Multo

Sabi nila, ang kaligayahan daw ay hinahanap at hindi kusang dumarating.

Pero kung gaano ito kadaling sabihin, ay gayun ding hirap gawin.

Nang tawirin ko ang gahiblang distansya na naglalayo sayo mula sa akin,

daig mo pa

ang batang ginulat

ang kabayong pinalo

ang usang binaril

ang makahiyang nadaplisan

ang kunehong nagtatatakbo.

Na sa ating dalawa, parang ikaw pa ang nakakita ng multo.

Sabagay.

Kaytagal na kitang inilibing, pero alam ko namang anumang mangyari

Ika’y mananatiling buhay pa rin.

Sino, ang tanong, ang naiwan sa hukay na pinaghirapan ko?

(Handa nga ba akong marinig ang sagot?)