Hintay

Malayo sa mga nangyayari sa mga telenobelang pinapanood ng aking ina, kalmado tayong dalawa. Ito na yata ang bahaghari matapos ang bagyo, naisip ko. Ni walang mag-aakalang kanina’y kulang nalang ay malagutan tayo ng hininga sa pataasan ng boses at walang hintong pagsasalita.

Matapos kong bitawan ang mapait na “oo,” naalala ko kung paano tayo nagsimula. Gaya ng ibang magsing-irog, dumaan tayo sa pagkakaibigan, ligawan at pagiging magnobyo. Ilang buwan na rin ang nakalipas nang sa inaakala kong ordinaryong pamamasyal natin sa Intramuros ay lumuhod ka sa harap ko, at sa harap ng mga turista sa Manila Cathedral, at naglabas ng pulang kahita kasabay ang alok na magsuot ako ng traje de boda isang taon mula ngayon, sa mismong simbahan na kaharap natin. Tinawanan kita, tinudyo ang singsing sa pulang kahita, paluhud-luhod at drama sa harap ng simbahan, sa kabila ng disgusto mo sa mga bagay na “cliche.”

Pinatayo kita at nakita kung paano naglambong ang iyong mukha, maging ang mga usiserong nakikinood sa ating dalawa. “Ano na–” tanong mong hindi natapos, dahil dinampian kita ng halik –ang ating unang halik sa labi sa loob ng tatlong taon nating pagiging magkasintahan– at binulong ang pinakamagandang letra ng mga panahong iyon: Oo. Nagulat ka sa hiyawan ng mga tao, at tulala pa nang hilingin mong ulitin ko. Sinigaw ng matinis kong boses ang nag-uumapaw na pag-ibig: OO!!!!! Niyakap mo ako’t binuhat, sabay sabi sa mga taong, “Ikakasal ako sa babaeng ito! Pinagpala siya sa babaeng lahat!” Malakas na halakhakan at hiyawan ang sumunod, na nakatawag pansin sa mga pari at madre na nasa loob. Buti kamo’y walang misa nang oras na iyon, kung hindi ay baka hindi tayo doon maikasal.

Hindi mo alam kung gaano na ako katagal nagdarasal na sana ay ikaw na nga. Kilala mo ako dahil kolehiyo pa lamang ay magkaibigan na tayo. Hindi ako nagpapatali sa isang bagay lamang, kaya hindi ko akalaing ikaw ang una at huli kong nobyo. Madali akong magsawa kung walang bago, ngunit nagawa mong surpresahin ako sa bawat araw na magkasama tayo. Pinagpasensyahan mo ang kawalan ko ng kakayahang iparamdam sa iyo kung gaano ka kahalaga, at nagpapasalamat akong tinuruan mo akong gawin iyon sa paraang kaya ko.

Pasasalamat mo iyon dahil binuo kita, sabi mo. Hindi tayo tigkalahati na sakto sa mga pagkukulang ng isa’t isa, gaya ng mga alamat. Sadyang ako ang binigyan ng kaalaman kung paano marahang idikit ang mga bahagi mong nalagas sa bawat bagyong nagdaan. At hindi sila biro. Ilan na ang sumubok, ngunit lahat sila, kung hindi man napagod, ay natangay na rin ng mga bagyo. Kaya katakut-takot na bilin ang sinabi ng mga kaibigan ko: kung hindi buo ang loob mo, huwag kang lalapit sa kanya. Hindi sapat ang pag-ibig, kailangan mo ng respeto at tiwala sa sarili hindi lamang sa kanya, ngunit lalung-lalo sa sarili mo.

Aaminin kong hindi naging madali. Ilang beses akong naglaba ng mga pundang basa sa bawat bagyo. Ilang beses akong nagpatuyo ng mga kumot na tinakip ko sa nanginginig mong katawan. Ilang beses akong bumili ng payong dahil sa tuwi-tuwina’y pinipili mong lumabas sa gitna ng pinakamalalakas na ulan. Madalang kang makinig sa akin. Hindi iilang beses na gusto kong iwanan ka nalang dahil nalulunod na rin ako. Ngunit nang subukan kong tiklupin ang payong at umupo sa tabi mo sa ilalim ng malakas na ulan, unti-unti kitang naunawaan.

Hanggang sa unti-unting dumalang ang mga bagyo. Naging pabugsu-bugsong mga pag-ulan, na kalaunan ay naging ambon. Mas madalas na tayong tumingala sa maaliwalas na araw kaysa sa pag-iyak ng langit. Natuto ka nang magdala ng sarili mong payong, at sumilong sa tuwing lalakas ang ulan. Masaya ako na hindi ko na kailangang tumabi sa iyo sa bawat kulog at kidlat para lamang makatulog ka. Masaya ako, ngunit may lungkot na sumusundot sa tuwing naiisip na baka dahil buo ka na ay hindi mo na ako kailangan.

Ngunit sa tuwing naiisip ko iyon ay tinitignan ko ang singsing. Sa tuwing kasama kita’y nararamdaman ko ang init ng palad mo. Nararamdaman ko sa bawat yakap ang pasasalamat na inawit ko ang salitang “oo” sa Intramuros, at tatlong buwan na lamang ay muli ko na namang bibitawan ang salitang iyon sa harap ng isang pari. Napadalas ang mga “oo”: Gusto mo ba ang bulaklak na ito? Oo. Gusto mo ba ang mga pagkaing ito? Oo. Gusto mo ba ang mga bisitang ito? Oo. Gusto mo ba ang barong na ito? Oo. Gusto mo bang isuot ang traje de bodang ito? Oo.

May tiwala naman ako sa mga desisyon mo. Wala na sa akin ang mga palamuti sa kasal, maski na ang mga isusuot natin, dahil nasagot ko na ang pinakamahalagang oo.

Dahil sa tiwalang iyon, nabuno natin ang tatlong taon. Ano pa ba ang ilang maliliit na bagay? Dahil sa tiwalang iyon kaya tayo pinayagang paminsan-minsang matulog sa bahay ng isa’t isa, bagamat parehong tradisyunal ang ating mga magulang. Dahil sa tiwalang iyon kaya hindi kita pinapadalhan ng mensahe sa bawat gabing inuumaga ka na ng uwi. Dahil sa tiwalang iyon, hindi ko tinatanong kung sino ang mga kasama mo sa tuwing gigising ka sa umaga’t hahalikan ako nang amoy alak pa ang mga labi mo.

Ngunit ang tiwalang iyon din pala ang kusang wawasak sa pundasyon nating dalawa.

Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang luha ko. Nakasandal ako sa pinto, hinihintay ang paglabas mo. Gaano ba ako katagal lumipad sa nakaraan, at gaano ka ba katagal sa kwartong ilang gabi na nating hindi tinutulugan? Napadako sa kalendaryo ang mata ko. Eksaktong isang buwan bago ang pinakahihintay natin. Ngunit hanggang ngayon kaya, sa mismong oras na ito, ay ganoon pa rin?

Nakayuko ka, bitbit ang itim na backpack mo. Masyado itong mataba kaya duda akong mga gamit lang sa trabaho ang laman nito. Marahan ang paglakad mo, at miminsan lamang sinalubong ang mga tingin ko. Hindi ako nagpahid ng luha dahil gusto kong makita mo kung gaano ako nasaktan.

Nilapag mo ang bag. Pinahid ang luha ko. Ngayon ay nakatingin ka rin sa akin, at nakita kong nasaktan ka rin.

“Shh..” Niyakap mo ako. Nanigas ang katawan ko. Ilang araw ko na bang kinasasabikan ang init ng mga yapos mo?

Wala ako sa tamang huwisyo, ngunit gusto kong malaman kung tulad ng mga nakaraang gabi’y maghihintay ako sa pag-uwi mo.

“Uuwi ka pa ba?”

Walang sagot. Kinuha mo ang bag at binuksan ang pinto. Lumabas nang walang halik, ni wala man lang “paalam.”

“Ikakasal pa ba tayo?”

Huminto ka sandali, ngunit hindi mo ako nilingon. Naglakad ka papunta sa sasakyan. Sinimulan ang makina. Humarurot.

Naiwan akong nakasandal sa pintuan. Naghihintay, maghihintay–gaya ng gabi-gabi kong ginagawa– sa pagbabalik mo, wala mang katiyakan gaya ng aking “oo.”

Leave a comment